Isang masakit na paalam ang iniwan ng isang pamilyang doktor matapos silang masawi sa pagbagsak ng Air India flight AI171 noong Hunyo 12, 2025. Sa huling litrato bago ang trahedya, makikitang masaya at puno ng pag-asa ang mag-asawang doktor na sina Dr. Komi Vyas at Dr. Prateek Joshi, kasama ang kanilang tatlong anak.
Ang pamilya ay nasa loob ng Boeing 787 Dreamliner ng Air India na lumipad mula sa Ahmedabad patungong London Gatwick. Ilang segundo pa lamang matapos ang takeoff ay bumagsak ang eroplano malapit sa Meghani Nagar, at tumama ito sa isang gusali ng hostel sa loob ng B. J. Medical College — isang masaklap na pagkakataon lalo pa’t maraming estudyanteng medikal ang nandoon din.
Ayon sa imbestigasyon, ang huling selfie ng pamilya ay kuha habang naka-upo sa kanilang mga upuan sa eroplano. Sa litrato, makikitang nakangiti ang mag-anak.
Pahayag ni Nayan, pinsan ni Dr. Joshi, “Dalawang araw bago ang biyahe ay dumating pa si Prateek mula sa London para sunduin ang kanyang pamilya. Excited silang magsimula ng bagong buhay sa UK.” Hindi nila inakala na ang masayang selfie ay magiging huling alaala ng kanilang pamilya.
Sa kabuuan, higit sa 240 katao ang nasawi sa insidente, kabilang ang mga pasahero, crew, at mga taong nasa gusali kung saan bumagsak ang eroplano. Isang pasahero lamang, isang British national na si Vishwash Kumar Ramesh, ang naiulat na nakaligtas.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga aviation authorities sa India, UK, at US upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak. Ayon sa mga unang ulat, ang eroplano ay may kargang higit 125,000 litro ng fuel na naging dahilan ng matinding apoy at halos imposibleng rescue operation.
Lubos ang pakikiramay ng buong mundo sa mga naiwang kaanak ng mga biktima. Maging ang mga lider ng bansa tulad nina Prime Minister Narendra Modi at King Charles II ay nagpahayag ng matinding pagdadalamhati.
Ang trahedyang ito ang itinuturing na pinakamalalang aksidente ng isang Boeing 787 Dreamliner mula nang ito’y gamitin noong 2011.