Ibinunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na nagpalabas umano ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity na may kinalaman sa kampanya kontra iligal na droga noong administrasyong Duterte.

Si Dela Rosa, na nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) mula 2016 hanggang 2018, ay itinuturing na isa sa mga pangunahing tagapagpatupad ng Oplan Tokhang, ang programang naging sentro ng anti-drug campaign ng dating administrasyon.

Ayon kay Remulla, wala pang opisyal na dokumento mula sa ICC na natatanggap ang Department of Justice (DOJ) hinggil sa nasabing arrest warrant.

Nanindigan naman ang kampo ni Dela Rosa na wala nang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas mula nang bumitiw ang bansa sa Rome Statute noong 2019.

Gayunman, iginigiit ng ICC na may karapatan pa rin itong mag-imbestiga at magsagawa ng paglilitis sa mga kasong may kaugnayan sa mga krimeng umano’y naganap noong miyembro pa ng pandaigdigang korte ang Pilipinas.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Senador Dela Rosa ukol sa naturang ulat.