Nasabat ng mga awtoridad ang mahigit P2-milyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes na nakatago sa mga ice box para sa isda, kasabay ng pagkakaaresto sa apat na indibidwal sa isang checkpoint sa Barangay Libertad, Kolambugan, Lanao del Norte, noong umaga ng Oktubre 13, 2026.

Hinarang ng mga tauhan ng 1st Provincial Mobile Force Company ang isang berdeng Isuzu dropside truck na patungong Iligan City matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa hinihinalang pagbiyahe ng mga smuggled cigarettes.

Sa inspeksiyon, natuklasan ang 2,602 reams ng sigarilyo, kabilang ang 2,255 reams ng Castorce at 347 reams ng Cannon, na may kabuuang tinatayang halaga na P2,081,600.

Kinumpiska rin ang truck na ginamit sa pagbiyahe ng mga sigarilyo.

Dinala sa Kolambugan Municipal Police Station ang driver at tatlong pasahero para sa dokumentasyon, habang nananatili sa kustodiya ng 1st PMFC ang truck at mga sigarilyo bago ang turnover sa Bureau of Customs.

Muling hinimok ng Police Regional Office 10 ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagsugpo sa smuggling at iba pang ilegal na gawain.