Nanindigan si Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM laban sa korapsyon sa pamahalaan, kasabay ng panawagan para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng “moral governance” sa rehiyon.

Sa isang pahayag na inilabas nito, iginiit ni Macacua na ang kanyang paninindigan ay nakabatay sa kanyang tungkulin at sinumpaang obligasyon sa ilalim ng “Oath of Moral Governance,” kung saan aniya ay nangangako ang mga opisyal na itaguyod ang tapat at malinis na pamamahala.

Ayon sa opisyal, hindi niya tinutukoy ang anumang partikular na indibidwal sa usapin ng graft allegations, ngunit binigyang-diin na ang mga umiiral na imbestigasyon ng mga oversight bodies gaya ng Commission on Audit at iba pang komite ay nagpapakita umano ng mga isyung kailangang tugunan sa ilang tanggapan ng pamahalaan, kabilang ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE.

Giit pa ni Macacua, seryoso umano ang epekto ng korapsyon sa pamamahala at kapayapaan sa rehiyon, kaya’t kinakailangan ang tuloy-tuloy na reporma at paninindigan laban dito bilang bahagi ng tinatawag niyang “moral governance.”

Bilang pinuno ng interim government, nagbabala rin siya sa mga opisyal at kawani ng BARMM na kailangang manatiling nakaayon sa prinsipyo ng tapat na serbisyo publiko, at tiniyak na mananatiling mahigpit ang kanyang kampanya laban sa anumang uri ng katiwalian.

Ayon pa sa kanya, handa siyang magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga mapatutunayang sangkot sa iregularidad sa gobyerno, bilang bahagi ng pagpapatupad ng transparency at accountability sa BARMM.

Sa huli, nanawagan si Macacua ng pagkakaisa at pagtalima sa prinsipyo ng tapat na pamamahala, habang muling iginiit ang kahalagahan ng pananagutan sa ilalim ng batas at moral na pamantayan ng serbisyo publiko.