Nagbabala ang Bangsamoro Transition Authority na posibleng ma-disqualify ang ilang regional political parties at kanilang mga nominado sa nalalapit na halalan sa BARMM dahil sa paglabag sa anti dynasty provisions ng Bangsamoro Electoral Code (BEC) at Bangsamoro Local Governance Code (BLGC).

‎Ayon kay BTA Acting Speaker Atty. Jose Lorena, hindi pa pinal ang listahan ng mga kandidato dahil patuloy pa ang proseso ng districting at beripikasyon.

‎Iginiit ni Lorena na maaaring masala pa ang mga nominado kung mapatunayang may ugnayang pampamilya na saklaw ng ipinagbabawal ng batas.

‎Sa ilalim ng Bangsamoro Local Governance Code of 2023, ipinagbabawal ang sabayang pagtakbo ng mga magkakamag-anak hanggang second degree sa loob ng parehong hurisdiksyon.

‎Saklaw ng pagbabawal ang mga relasyon tulad ng magulang at anak, mag-asawa, lolo o lola at apo, gayundin ang magkakapatid.

‎Nilinaw rin ng opisyal na hindi maaaring direktang humalili sa posisyon ang isang kamag-anak ng incumbent, bilang bahagi ng mahigpit na pagpapatupad laban sa political dynasty.

‎May probisyon din ang batas na nagtatakda ng awtomatikong diskwalipikasyon sa mga lalabag, kabilang ang mga kandidatong tatakbo sa mas mababang posisyon ngunit may kamag-anak na nakaupo sa parehong lugar.

‎Sa mga kaso naman ng magkamag-anak na parehong naghain ng kandidatura sa iisang posisyon, maaaring magpatupad ng drawing of lots upang matukoy kung sino lamang ang papayagang tumuloy.

‎Aminado ang BTA na may mga naunang insidente kung saan napilitang magpalit ng nominado ang ilang partido matapos madiskwalipika ang kanilang kandidato dahil sa conflict sa anti-dynasty rules.

‎Itinuturing ang naturang batas bilang kauna-unahang local governance code sa bansa na may malinaw at direktang probisyon laban sa political dynasty.