Isinagawa ng mga tauhan ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station ang matagumpay na pag-aresto sa isang suspek sa paglabag sa Article II ng Republic Act 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kahapon Pebrero 24, 2026.
Pinangunahan ni PCPT Klyde John G. Albores, Deputy Chief of Police, ang operasyon na naganap bandang 5:30 ng hapon sa Sitio Kapok, Barangay Makir. Ayon sa ulat, nahuli ang suspek sa loob ng isang bakanteng kwarto ng isang residential house habang umano’y naninigarilyo ng hinihinalang shabu.
Nakuha mula sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang glass tube na may bakas ng nasunog na substance na pinaghihinalaang shabu, at isang disposable lighter. Agad na ipinaalam sa suspek ang kanyang karapatan sa paraang naiintindihan niya.
Ayon sa ulat, nagmula ang operasyon sa impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa patuloy na paggamit ng ilegal na droga sa naturang lugar. Ang imbentaryo at pagmamarka ng nakuhang ebidensya ay isinagawa sa lugar mismo ng pag-aresto, sa harap ng suspek, isang halal na opisyal ng pamahalaan, at kinatawan ng media, alinsunod sa legal na proseso.

















