‎Lubos na iginagalang ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang naging desisyon ng Kongreso na ibasura ang mga kasong impeachment laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., iginiit na ang naturang proseso ay nasa loob ng mandato ng Saligang Batas.

‎Sa kanyang pagbisita sa pagdiriwang ng ika-7th Founding Anniversary ng Special Geographic Area (SGA)-BARMM nitong Sabado, sinabi ni Gatchalian na malinaw na itinatakda ng Konstitusyon ang mga hakbang sa impeachment at dapat itong sundin nang naaayon sa batas.

‎Ipinaliwanag ng senador na hindi na katulad ng dati ang sistema ng impeachment, kung saan sapat na ang makakuha ng isang-katlong pirma ng mga mambabatas upang agad na umakyat ang kaso sa Senado.

‎Ayon kay Gatchalian, may mas masusing proseso na ngayon na kailangang daanan, kabilang ang prosecution stage, pagsusuri sa mga ihahaing ebidensya, at pagdinig sa magkabilang panig bago umabot sa susunod na yugto.

‎Binigyang-diin din ng senador na bukas sa publiko ang impeachment process at mahalagang masundan ito ng taumbayan upang mapanatili ang transparency at pananagutan sa pamahalaan.