Isinugod sa ospital ang isang 37-anyos na lalaki matapos tamaan ng bala sa Barangay Capisan, Zamboanga City, noong Sabado ng gabi, Agosto 21, 2026.

Kinilala ang biktima na si alyas JonJon, residente ng lugar, na nagtamo ng tama sa tiyan at kaliwang braso.

Batay sa paunang pagsisiyasat ng pulisya, nagsimula ang insidente sa isang pagtatalo na umano’y may kaugnayan sa ingay ng isang motorsiklo bandang alas-9 ng gabi.

Nauwi umano sa pamamaril ang komprontasyon nang lapitan ng hindi pa nakikilalang suspek ang biktima.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng itim na Honda Click.

Samantala, nakuhang ebidensya sa crime scene ang isang basyo ng bala at isang cartridge na pinaniniwalaang nagmula sa .45 caliber na baril.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang suspek at makumpleto ang mga ebidensyang maaaring magamit sa kanyang pagkakaaresto.