Patay ang isang 44-anyos na magsasaka matapos pagtatagain sa leeg gamit ang itak ng kanyang kainuman sa Sitio Lanao, Barangay Keytodac, Lebak, Sultan Kudarat, pasado alas-12:45 ng tanghali kahapon Oktubre 18, 2026.
Kinilala ang biktima na si Cristopher Gabriel Eldo, residente ng nasabing lugar, habang ang suspek ay si alyas Hars, 27-anyos, na isa ring magsasaka at residente ng parehong barangay.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang dalawa nang magkaroon ng pagtatalo hanggang sa umano’y pagtatagain ng suspek sa leeg ang biktima.
Boluntaryong sumuko ang suspek sa Barangay Hall ng Barangay Keytodac matapos ang insidente.
Nakatanggap ng ulat ang pulisya pasado alas-2:10 ng hapon noong araw ding iyon, kaya agad na nagpadala ng alert team at mga imbestigador sa lugar upang alamin ang pangyayari.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong detalye ng insidente at ang posibleng kasong isasampa laban sa suspek.

















