Pinaiigting ng Impasug-ong National High School sa Poblacion, Impasug-ong, Bukidnon ang mga hakbang pangseguridad matapos matuklasan ang mga ipinagbabawal at mapanganib na gamit sa mga personal na kagamitan ng ilang estudyante sa loob ng campus.

Agad namang ipinatupad ng pamunuan ng paaralan ang mga kinakailangang safety procedure upang matiyak ang seguridad ng buong school premises matapos matukoy ang naturang mga gamit.

Isinagawa rin ang kaukulang administrative process alinsunod sa Child Protection Policy, habang pinangangalagaan ang mga karapatan, pagiging kumpidensyal, at due process ng mga learner na sangkot.

Kasabay nito, nakipag-ugnayan ang paaralan sa mga awtoridad para sa mas pinaigting na police visibility sa paligid ng campus bilang dagdag na seguridad at upang mapanatili ang kapanatagan ng komunidad.

Sa kabila nito, nagpapatuloy ang klase at regular na operasyon ng paaralan sa ilalim ng mas mahigpit na security measures.

Hinimok naman ng pamunuan ang mga magulang at guardian na regular na suriin ang bag at personal na gamit ng kanilang mga anak bago pumasok sa paaralan bilang bahagi ng sama-samang hakbang para sa kaligtasan ng mga estudyante.

Nanawagan din ang paaralan sa publiko, mga magulang at estudyante na iwasang magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon o haka-haka sa social media na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang pangamba.

Ayon sa paaralan, ang mga opisyal na impormasyon kaugnay ng insidente ay ilalabas lamang sa pamamagitan ng kanilang mga kinikilalang opisyal na communication channels.