Naglabas ng memorandum order ang Moro Islamic Liberation Front Central Committee kaugnay sa usapin ng direktibang nag-aatas kay Minister Mohagher Iqbal na magbitiw o maituturing na “deemed resigned” sa puwesto bilang kalihim ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE.
Sa Memorandum Order No. 09, Series of 2026 na may petsang Mayo 17, 2026, ipinaalala ng MILF Central Committee kay ICM Abdulraof Macacua na ang mga malalaking desisyon sa loob ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ay kinakailangang dumaan sa konsultasyon sa MILF bilang pangunahing lead ng Bangsamoro Transition Authority.
Ayon sa memorandum, binigyang-diin na ang naturang hakbang ni Macacua ay hindi umano maaaring ipatupad nang unilateral at dapat ay may kasamang pormal na konsultasyon alinsunod sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro at sa Bangsamoro Organic Law.
Nakasaad din sa dokumento na si Iqbal ay hindi itinuturing na ordinaryong miyembro ng gabinete dahil siya rin ang tagapangulo ng MILF Peace Implementing Panel, kaya’t anumang hakbang na magtatanggal sa kanya sa puwesto ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa partisipasyon ng MILF sa political track ng transition period.
Hinimok ng MILF Central Committee ang interim government na ipagpaliban muna ang implementasyon ng naturang direktiba habang isinasagawa ang konsultasyon sa pagitan ng magkabilang panig sa diwa ng diyalogo at “shura.”
Sa huli, tiniyak ng MILF leadership na nananatili itong bukas sa pag-uusap upang mapanatili ang katatagan ng peace process at transisyon ng pamahalaan sa rehiyon.

















