Isang malaking tagumpay laban sa kriminalidad at ilegal na droga ang naitala ng Marantao Municipal Police Station (MPS), sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), matapos madakip ang isa sa Top 10 Most Wanted ng Antipolo City Police Office sa pamamagitan ng ikinasang buy-bust operation bandang 1:50 ng hapon noong Hulyo 14, 2025 sa Barangay Bubong Madanding, Marantao, Lanao del Sur.
Kinilala ang suspek sa alyas “Mahid,” 25 taong gulang at residente ng nasabing barangay. Arestado ito matapos umanong bentahan ng hinihinalang shabu ang isang operatiba. Nakuha mula sa kanya ang tinatayang ₱29,920.00 halaga ng hinihinalang shabu.
Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay maayos na na-inventory sa harap ng opisyal ng barangay at kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ), alinsunod sa itinatakdang legal na proseso.
Sa karagdagang beripikasyon, lumabas na may umiiral na Warrant of Arrest ang suspek para sa kasong murder. Siya ay kasalukuyang nakakulong sa Marantao MPS. Inihahanda na rin ang kaukulang kaso laban sa kanya sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang ang return of warrant ay isusumite sa pinanggalingang korte.
Pinuri ni Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), ang mabilis at koordinadong aksyon ng mga operatiba. Aniya, ang pagkakaaresto ay nagsisilbing matibay na babala sa mga pugante at sangkot sa ilegal na droga na pursigido ang PRO-BAR na sila ay tugisin at panagutin sa batas. Binigyang-diin rin ng heneral ang hindi matitinag na paninindigan ng PRO-BAR sa layunin nitong pangalagaan ang kapayapaan at kaligtasan ng mga pamayanan sa buong rehiyon ng Bangsamoro.