Hanggang sa ngayon, hinahanap pa rin ng kanyang mga kabaro’t kapamilya ang isang Police Intelligence Agent na nakabase sa Lambayong, Sultan Kudarat.
Nawawala ang naturang alagad ng batas simula pa noong Nobyembre 26 at hindi na umano mahagilap ng kanyang pamilya at mga kasama ang naturang ahente na kinilalang si MSgt. Eduardo Ea Jr.
Nitong Lunes lamang iniulat ng mga kamag-anak na nawawala si MSgt. Ea na kilala bilang matinik na Intelligence Operative.
Ayon sa Lambayong PNP, may mga malalimang misyon kontra krimen at terorismo ang nasabing Intel Officer ng mawala nitong Nobyembre 26.
Ito na rin ang huling araw na nakapagpadala ito ng mensahe sa pamilya at kapwa pulis. Sa ngayon, nagtutulungan ang PRO-12 at mga sangay nito sa probinsya sa paghahanap kay Ea na huling nakita sa bayan ng Lambayong na sakay ng motor patungo sa di malamang direksyon bago maiulat na nawawala.