Narekober ng pinagsanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang ilang high-powered firearms at mga bala mula sa isang abandonadong sasakyan matapos ang isinagawang hot pursuit operation sa Barangay Curahab, Malabang, Lanao del Sur noong Marso 8, 2026.

Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng 51st Infantry Battalion ng 1st Infantry Division, Philippine Army, katuwang ang mga pulis mula sa PNP Malabang. Ayon sa ulat, agad na rumesponde ang joint security team matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa indiscriminate firing sa lugar, dahilan upang magsagawa sila ng clearing operations sa nasabing barangay.

Sa isinagawang pag-iinspeksyon sa lugar, nadiskubre ng mga tropa ang isang abandonadong minivan na may plakang KBF 8095 at walang dalang kaukulang dokumento. Nang siyasatin ang loob ng sasakyan, natagpuan ang ilang high-powered firearms, mga bala, at iba’t ibang military paraphernalia.

Kabilang sa mga narekober ang isang modified Smith & Wesson Carbine na may serial number 01223, isang M16A1 rifle na may serial number RP133775, isang M16A1 rifle na may M203 grenade launcher na may serial numbers na 467309 at 133627, isang M14 rifle na may serial number 1212414, isa pang M16A1 rifle na may serial number 145298437, at isang Bushmaster Carbine na may serial number 283488.

Bukod dito, narekober din ang apat na M14 magazines na may kabuuang 29 rounds, labindalawang M16 20-round magazines, at tatlumpu’t dalawang M16 30-round magazines. Mayroon ding 25 basyo ng 5.56mm, 493 rounds ng 5.56mm ammunition, at labingwalong 40mm high explosive rounds na ginagamit para sa M203 grenade launcher. Nakita rin sa loob ng sasakyan ang pitong assorted bandoleers at rigs.

Kasalukuyang sumasailalim sa dokumentasyon at proper marking ang lahat ng narekober na kagamitan bago ito isumite sa PNP Crime Laboratory sa Marawi City para sa ballistic examination at karagdagang imbestigasyon.

Ayon kay Brigadier General Yasser R. Bara, commander ng 101st Infantry (Three Red Arrows) Brigade, naging matagumpay ang operasyon dahil sa mabilis na koordinasyon at propesyonalismo ng mga sundalo at pulis. Aniya, nakatulong ang agarang aksyon ng mga security forces upang maiwasan na magamit ang mga nasabing armas sa anumang banta sa komunidad.

Binigyang-diin din ni Bara na nananatiling nakatuon ang kanilang pwersa sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad, lalo na sa panahon ng banal na buwan ng Ramadan. Ayon sa kanya, bawat armas na nakukuha mula sa mga lawless elements ay isang mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa komunidad.

Nanawagan din ang mga awtoridad sa publiko na patuloy na makipagtulungan sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lugar.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang follow-up investigation ng mga awtoridad upang matukoy ang mga indibidwal na may kinalaman sa abandonadong sasakyan at sa insidente ng indiscriminate firing.

VIA 101st Infantry “Three Red Arrows” Brigade