Ipinakita ang katatagan at kabayanihan ng 32 sundalo ng 21st Infantry Battalion na nakaligtas sa trahedya ng paglubog ng barkong M/V Trisha Kerstin 3.

Personal na binisita ni Brigadier General Alaric Avelino P. Delos Santos, Commander ng 1102nd Infantry Brigade, ang mga nakaligtas upang kamustahin ang kanilang kalagayan at magbigay ng moral na suporta. Pinuri niya ang dedikasyon ng mga sundalo, lalo na ang pagtulong sa mga sibilyan bago inuna ang kanilang sariling kaligtasan.

Ayon sa mga nakaligtas, huling namataan si Sgt. Windel C. Sabuyas Jr. habang tinutulungan ang isang matanda at isang bata na maisuot nang maayos ang kanilang life vest. Kahit wala pang sariling life vest, pinili niyang manatili sa gitna ng kaguluhan upang iligtas ang iba. Hanggang sa ngayon, siya ay patuloy na hinahanap at ipinagdarasal.

Samantala, iba pang sundalo tulad nina Cpl. Abrilla, Cpl. Binalay, PFC Obiado, PFC Donald Maligaya, at iba pa ay nakaligtas matapos magsagawa ng sunod-sunod na pagliligtas sa dagat. Marami sa kanila ang nagbigay ng sariling life vest sa mga sibilyan, bumalik sa tubig upang sagipin ang mga naipit, at umalalay sa mga batang pasahero, matatanda, at kababaihan hanggang sa dumating ang rescue teams.

Ayon sa mga ulat, ang kaligtasan ng mga pasahero, kabilang ang mga bata, ay bunga ng sakripisyo, disiplina, at pagtutulungan ng mga sundalo, at hindi lamang swerte.

Sa kabila ng trahedya, kinikilala ang kabayanihan ng bawat sundalo na patuloy na kumilos sa gitna ng panganib, at nananatiling inspirasyon sa publiko ang kanilang dedikasyon sa kapakanan ng kapwa.

Hanggang ngayon, patuloy ang paghahanap kay Sgt. Sabuyas Jr. at ang pag-alay ng panalangin para sa kanyang kaligtasan.