Nagsama-sama ang mga kandidato sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections, Commission on Elections (COMELEC), mga pwersa ng pamahalaan, at mga lokal na opisyal sa isinagawang Peace Unity Walk, Covenant Signing, at Candidates’ Forum sa Provincial Capitol sa Buluan, Maguindanao del Sur.
Sinimulan ang programa sa isang Unity Walk mula Buluan Bridge hanggang sa Provincial Capitol na pinangunahan ni COMELEC Provincial Election Director Atty. Allan C. Kadon, kasama ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at mga kandidato.
Sa isinagawang Covenant Signing, pormal na ipinakilala ng COMELEC ang mga kandidato mula sa iba’t ibang distrito at political groups na lalahok sa kauna-unahang regular na parliamentary election sa Bangsamoro.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Maguindanao del Sur Police Provincial Director PCol. Michael John C. Mangahis na ang makasaysayang halalan ay para sa kinabukasan ng mamamayang Bangsamoro, kaya hinikayat niya ang mga kandidato na isabuhay ang kanilang mga ipinapangakong programa para sa kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.
Tiniyak din ni Mangahis na patuloy na paiigtingin ng PNP ang seguridad alinsunod sa direktiba ni PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. at Police Regional Office–BAR Regional Director PBGen. Christopher Marcial Abecia upang matiyak na makaboboto ang bawat mamamayan nang malaya, ligtas, at walang pangamba.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Kadon ang mga alituntunin ng COMELEC, kabilang ang mga panuntunan sa pangangampanya at mga ipinagbabawal na gawain sa panahon ng halalan.
Bilang tanda ng kanilang pangako, nanumpa at lumagda ang lahat ng kandidato sa Peace Covenant bilang suporta sa isang mapayapa, maayos, at patas na halalan, habang lumagda rin bilang mga saksi ang mga opisyal ng COMELEC at mga pwersang panseguridad.
Layunin ng naturang aktibidad na mapanatili ang integridad ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections at higit pang mapatatag ang kapayapaan sa Maguindanao del Sur.

















