Hindi naging hadlang ang baha sa isang magkasintahan sa Hagonoy, Bulacan para ituloy ang kanilang matagal nang inaasam na kasal.

Sa kabila ng halos hanggang baywang na baha sa loob ng St. John the Baptist Parish, itinuloy nina Mr. at Mrs. Chico ang kanilang pag-iisang dibdib.

Una nang pinayuhan ng simbahan ang mag-asawa na ipagpaliban ang seremonya dahil sa kondisyon ng lugar, ngunit pinili pa rin nilang tumuloy.

Dahil walang kuryente, portable speaker ang ginamit sa halip na karaniwang sound system, habang inayos pa rin ang mga dekorasyon para maging espesyal ang seremonya.

Sa kabila ng hirap at baha, naisakatuparan pa rin ng mag-asawa ang kanilang pangakong magsasama sa hirap at ginhawa.

Ipinakita ng kanilang kuwento na kahit mataas ang baha, hindi nito kayang lunurin ang pag-ibig.