Idineklara ng mga awtoridad na case closed ang imbestigasyon kaugnay sa insidente na kinasangkutan ng isang ina at ng kaniyang tatlong anak sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan.
Naganap ang insidente noong Mayo 7 kung saan nasawi ang tatlong batang may edad 6, 3, at 1 taong gulang. Ilang araw makalipas, pumanaw rin ang kanilang ina habang ginagamot sa ospital.

Ayon kay Police Colonel Voltaire Rivera, hepe ng Sta. Maria Police, isinampa pa rin ang kasong Parricide laban sa ina habang siya ay ginagamot, ngunit dahil sa kaniyang pagpanaw, opisyal nang idineklara ng pulisya ang kaso bilang case closed.
Naipalibing na rin ang tatlong bata sa kanilang bayan sa Sta. Maria.
Batay sa paunang imbestigasyon, lumabas na may hindi pagkakaunawaan umano ang mag-asawa bago nangyari ang trahedya. Ang ama ng mga bata ay isang Police Corporal na nakatalaga sa PNP Maritime Group sa lalawigan ng Batangas.
