Ipinag-utos ni Governor Datu Ali M. Midtimbang, Al-Haj ang agad-agarang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan, gayundin ang pagtigil ng trabaho sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa lalawigan ng Maguindanao del Sur, kasunod ng malakas na lindol na may lakas na Magnitude 7.6 na tumama sa karagatang bahagi ng Manay, Davao Oriental ngayong Biyernes, Oktubre 10, 2025.
Bilang tugon sa naturang pagyanig, inatasan ng gobernador ang lahat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Councils (MDRRMCs) at mga kaukulang opisina na magsagawa ng agarang inspeksyon at assessment sa mga imprastraktura at posibleng pinsala sa kani-kanilang nasasakupan. Inutusan din silang magsumite ng ulat sa Provincial Operations Center para sa mabilis na koordinasyon at pagtugon.
Hinimok naman ng pamahalaang panlalawigan ang publiko na manatiling kalma, alerto, at tumutok lamang sa mga opisyal na abiso mula sa mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.