Isang collector ng Cooperative Bank of Cotabato ang sugatan matapos barilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Macabiso, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte kahapon Agosto 12, 2026.
Kinilala ang biktima na si alyas Jeff, nasa hustong gulang, may asawa, empleyado at collector ng Cooperative Bank of Cotabato, at residente ng Poblacion, President Quirino, Sultan Kudarat.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Sultan Mastura Municipal Police Station, nagsasagawa ng pangongolekta ng bayad sa mga borrower ng kanilang kooperatiba ang biktima kasama ang iba pang empleyado ng bangko nang dumating ang dalawang hindi nakilalang lalaki sakay ng isang motorsiklo.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bigla umanong nagpaputok ng baril ang back rider at tinamaan ang biktima habang nagsasagawa ito ng pangongolekta ng bayad kasama ang iba pang empleyado ng Cooperative Bank of Cotabato
Naganap ang insidente dakong alas-1:37 ng hapon.
Isinugod ng mga pulis ang biktima sa Sanitarium Hospital matapos magtamo ng dalawang tama ng bala, kabilang ang isa sa kanang balakang at isa pa sa kaliwang braso.
Sa ngayon, nasa stable na kondisyon ang biktima.
Patuloy rin ang scene investigation, pangangalap ng ebidensya at follow-up investigation upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at malaman ang motibo sa pamamaril.

















