Naaresto ang isang 39-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng granada, 120 piraso ng bala, mga magasin ng riple, at hinihinalang shabu sa isinagawang checkpoint operation sa kahabaan ng Koronadal-Cotabato Highway sa Barangay Tambunan II, Guindulungan, Maguindanao del Sur noong Lunes, Hulyo 13.
Kinilala ng Guindulungan Municipal Police Station (MPS) ang suspek sa alyas na “Raf”, residente ng naturang barangay.
Batay sa paunang imbestigasyon, pinara ng mga pulis at sundalo ang motorsiklong minamaneho ng suspek matapos mapansin ng mga operatiba ang nakausling mahahabang magasin ng riple mula sa berdeng bag na kaniyang dala.
Sa isinagawang inspeksyon, narekober mula sa suspek ang apat na magasin ng riple na may lamang kabuuang 120 bala na wala umanong kaukulang papeles. Nasamsam din ang isang granada at tinatayang 0.34 gramo ng hinihinalang shabu.
Nakadetine na sa Guindulungan MPS ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Ammunition, Republic Act 9516 o Illegal Possession of Explosives, at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















