Nasawi ang isang 39-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa TV Juliano Street, Mother Barangay Rosary Heights alas-3:25 ng hapon ngayong Mayo 4, 2026.
‎
‎Kinilala ang biktima na si Nicasio V. Cabañog, may asawa, job-order institutional worker, at residente ng nasabing lugar.
‎
‎Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ang biktima ng kanyang pulang XRM motorcycle at pauwi na sana nang bigla siyang lapitan at pagbabarilin ng suspek nang walang malinaw na dahilan.
‎
‎Dalawang beses na pinaputukan ang biktima na tumama sa ulo gamit ang hinihinalang kalibre .45 na baril.
‎
‎Agad na tumakas ang suspek patungo sa hindi matukoy na direksyon sakay ng isang Honda Click na motorsiklo.
‎
‎Dead on the spot ang biktima habang inuwi naman ng kanyang pamilya ang labi nito sa kanilang tahanan.
‎
‎Rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 2 ng Cotabato City Police Office sa pangunguna ni PCPT Anuar M. Mambatao matapos makatanggap ng tawag mula sa concerned citizen.
‎
‎Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga kalapit na police stations, border control points at visibility points para sa agarang pagkakaaresto sa suspek.
‎
‎Humingi na rin ng tulong ang kapulisan sa Regional Forensic Unit BAR upang magsagawa ng masusing pagsusuri sa pinangyarihan ng krimen.
‎
‎Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin habang inaantabayanan ang karagdagang ulat.