Arestado ang isang 31-anyos na e-trike driver matapos maaktuhan sa umano’y tangkang pagbebenta ng isang iligal na baril sa isinagawang buy-bust operation sa Boracay Island, Malay, Aklan, kahapon ng hapon Hulyo 19.
Ayon sa Police Regional Office 6 (PRO6), isinagawa ang operasyon sa Barangay Manocmanoc matapos makatanggap ng impormasyon mula sa intelligence monitoring at surveillance kaugnay ng hinihinalang iligal na aktibidad ng suspek.
Sa operasyon, nahuli ang lalaki habang umano’y ibinebenta ang isang caliber .38 revolver na walang lisensya at wala ring serial number.
Bukod sa baril, narekober din ng mga awtoridad ang 11 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 38 gramo at standard drug price na umaabot sa P258,400.
Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan bago dinala sa Malay Municipal Police Station para sa kaukulang imbestigasyon at legal na proseso.
Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni PRO6 Acting Regional Director PBGen. Randulf T. Tuaño ang mga operatibang nagsagawa ng operasyon at sinabi na bunga ito ng mahusay na intelligence work, maayos na koordinasyon, at maingat na pagpapatupad ng batas.
Hinikayat din niya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapalakas ang kampanya laban sa iligal na droga, mga iligal na baril, at iba pang krimen sa kanilang mga komunidad.

















