Arestado ang isang lalaki na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Simandagit, Bongao, Tawi-Tawi noong Hulyo 15, 2025.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Farid,” 40 taong gulang at residente ng Barangay Tubig Tanah sa nasabing bayan. Nahuli umano siya sa aktong nagbebenta at nagmamay-ari ng hinihinalang shabu.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng Bongao Municipal Police Station, katuwang ang Tawi-Tawi Provincial Drug Enforcement Unit, bilang suporta sa pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga ng Philippine National Police (PNP).

Ayon sa ulat, isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon ukol sa umano’y ilegal na aktibidad ng suspek, dahilan upang agad itong ikasa ng mga awtoridad.

Nasamsam mula sa suspek ang hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱144,160 sa street value. Mahigpit na sinunod ng mga operatiba ang tamang proseso sa pag-imbentaryo at pagmarka ng ebidensya, na isinagawa sa harap ng mga opisyal ng barangay at kinatawan ng media upang matiyak ang transparency.

Naipabatid din sa suspek ang kanyang mga karapatang legal sa oras ng pag-aresto. Kasalukuyan na siyang nasa kustodiya ng Bongao Police Station habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, pinuri ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office – BAR, ang matagumpay na operasyon ng mga operatiba. Aniya, patuloy ang kanilang paninindigan laban sa ilegal na droga sa rehiyon, at nananawagan din siya sa publiko na manatiling mapagmatyag at makiisa sa kampanya ng pamahalaan laban sa kriminalidad at droga.