Nilinaw ng Lanao del Sur Police Provincial Office o PPO na hindi simpleng “rido” o away-pamilya ang ugat ng isinagawang police operation sa Buadi-Puso Buntong, taliwas sa mga kumakalat na impormasyon sa social media.
Ayon sa kapulisan, isinagawa ang operasyon sa pagpapatupad ng mga lehitimong warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court ng Lanao del Sur laban sa ilang wanted persons na nahaharap sa kasong Attempted Murder at Murder na kapwa walang inirekomendang piyansa.
Sinabi ng Lanao del Sur PPO na dumaan sa wastong proseso ng batas ang mga naturang kaso at sinuri ng hukuman bago inilabas ang mga kautusan. Giit pa ng pulisya, isinagawa ang operasyon alinsunod sa umiiral na search warrant at warrants of arrest at walang kinalaman sa pulitika o personal na alitan.
Binigyang-diin din ng kapulisan na ang paglalantad ng insidente bilang simpleng “rido” ay pagtatangka lamang umano na ilihis ang tunay na isyu at makaiwas sa pananagutan sa batas.
Ayon pa sa PPO, ang pagpapatupad ng warrant ay nakabatay sa ebidensya at kautusan ng korte at hindi sa haka-haka o personal na galit.
Samantala, tinukoy rin ng pulisya bilang isang malungkot na pangyayari ang pagkamatay ng isang miyembro ng PNP Special Action Force o SAF habang isinasagawa ang operasyon. Anila, hindi ito dapat gamitin upang baluktutin ang katotohanan kaugnay ng insidente.
Nanindigan naman ang Lanao del Sur PPO sa kanilang mandato na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan sa pamamagitan ng patas at propesyonal na pagpapatupad ng batas.
Kasabay nito, nanawagan ang kapulisan sa publiko na maging mapanuri at huwag agad maniwala sa mga impormasyong walang sapat na batayan.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente habang tiniyak ng mga awtoridad na paiiralin ang hustisya alinsunod sa umiiral na batas.

















