Nagsagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) ang lokal na pamahalaan ng Datu Odin Sinsuat kasunod ng malakas na magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Mindanao.

Binubuo ang assessment teams ng Municipal Engineering Office, Municipal Administrator’s Office, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.

Isinagawa ang hakbang alinsunod sa direktiba ni Mayor Abdulmain P. Abas upang masuri ang kalagayan ng mga paaralan, gusali, imprastraktura, at iba pang pasilidad sa buong bayan matapos ang malakas na pagyanig.

Dahil dito, pansamantalang isinuspinde ang mga klase habang nagpapatuloy ang masusing inspeksyon at assessment upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang residente.

Pinayuhan naman ng lokal na pamahalaan ang publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag, iwasang pumasok sa mga gusaling may nakitang bitak o anumang pinsala, at maging handa sa posibleng aftershocks.

Hinimok din ang mga residente na hintayin lamang ang mga opisyal na anunsyo mula sa LGU at MDRRMO para sa mga susunod na abiso kaugnay ng sitwasyon.