Naglabas ng opisyal na pahayag ang Local Government Unit (LGU) ng Pantukan, Davao de Oro kaugnay ng insidente ng pamamaril na naganap sa labas ng Kolehiyo ng Pantukan noong Hunyo 25, 2026, bandang 12:25 ng tanghali.
Ayon sa paunang ulat, naganap ang insidente sa labas ng nasasakupan ng paaralan at hindi sa loob ng campus. Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang LGU sa mga awtoridad at iba pang kaukulang ahensya upang suportahan ang isinasagawang imbestigasyon at matiyak na mapapanagot ang mga responsable alinsunod sa batas.
Tiniyak din ng lokal na pamahalaan na ipagkakaloob nito ang lahat ng kinakailangang tulong at suporta sa biktima at sa pamilya nito. Nagpaabot din ang LGU ng pakikiramay at panalangin para sa agarang pagbangon ng biktima at ng kanyang mga mahal sa buhay.
Samantala, muling iginiit ng LGU ng Pantukan na nananatiling pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan at seguridad ng mga estudyante at residente ng bayan. Hinikayat din nito ang publiko na manatiling kalmado at iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon sa LGU, maglalabas ito ng mga karagdagang update sa sandaling magkaroon ng mga beripikadong impormasyon hinggil sa naturang insidente.

















