Dumalo ang libo-libong mga residente mula sa 37 barangay ng Cotabato City sa isinagawang general assembly ng Bangsamoro Federalist Party na inorganisa ng tinaguriang 7 Organs sa lungsod.
Pinangunahan ni MP Tomanda Antok ang panunumpa ng mga bagong miyembro ng partido kasama sina MP Atty. Naguib Sinarimbo, Cotabato City Vice Mayor Johair Madag, at MP Romeo Sema.
Dumalo rin sa aktibidad ang ilang barangay officials sa pangunguna ni Poblacion 3 Chairman Juhair Toti na siya ring ika-22 nominee ng partido.
Ayon sa partido, nabuo ang 7 Organs noong panahon ng kampanya para sa pagpapatibay ng Bangsamoro Organic Law kung saan nagsagawa umano ito ng malawakang mobilisasyon sa Cotabato City upang suportahan ang pagsama ng lungsod sa Bangsamoro region.
Sa kasalukuyan, sinasabing kabilang na sa Bangsamoro Federalist Party ang mga miyembro ng 7 Organs na inaasahang magpapalakas pa sa organisasyon ng partido sa lungsod habang papalapit ang parliamentary elections sa BARMM.

















