Mainit na pagsalubong ang isinagawa ng mga opisyal, enlisted personnel, at civilian human resource ng 6th Infantry (Kampilan) Division kay Brigadier General Ferdinand Geminic Pamulo Ramirez, Commander ng Armed Forces of the Philippines Reserve Command (AFPRESCOM), sa kanyang pagbisita sa Camp Siongco noong Oktubre 20, 2025.

Pagdating sa kampo, ginawaran si Brig. Gen. Ramirez ng military honors bilang pagkilala sa kanyang natatanging liderato at malaking ambag sa pagpapaunlad ng AFP Reserve Force. Personal siyang tinanggap ni Brigadier General Patricio Ruben P. Amata, Assistant Division Commander ng 6ID, kasama ang buong puwersa ng komando.

Si Brig. Gen. Ramirez ay kasapi ng Philippine Military Academy “Tanglaw Diwa” Class of 1992 at kasalukuyang ika-27 Commander ng AFPRESCOM. Bago niya pamunuan ang nasabing tanggapan, nagsilbi siya bilang Deputy Commander mula Hulyo 2022 hanggang Agosto 2024.

Sa kanyang malawak na karera sa serbisyo-militar, nakapagtapos si Brig. Gen. Ramirez ng iba’t ibang prestihiyosong kursong propesyunal sa loob at labas ng bansa. Kabilang dito ang Field Artillery Officer Basic Course, Advanced Artillery Course, AFP Comptrollership Course, United Nations Military Observer and Staff Course, Command and General Staff Course, at Field Artillery Specialization Course sa New Zealand. Mayroon din siyang Master’s Degree in Public Administration mula sa Jose Rizal University at Master’s in National Security Administration mula sa National Defense College of the Philippines, kung saan ginawaran siya ng Bronze Medal for Academic Excellence.

Ang kanyang pagbisita ay nagpapakita ng pagpapatibay ng kooperasyon sa pagitan ng AFP Reserve Command at 6th Infantry Division upang lalo pang palakasin ang kakayahan sa pambansang depensa at isulong ang pagkakaisa ng regular at reserve forces ng Armed Forces of the Philippines.

VIA Kampilan Trooper Updates, Philippine Army