‎‎Ipinaliwanag ni Archbishop Charlie Malapitan Inzon, OMI, DD, ng Archdiocese of Cotabato na ang Linggo ng Palaspas ay paggunita sa matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem.

‎Ayon sa Arsobispo, sumisimbolo rin ito sa pagtanggap ni Hesus sa kanyang misyon ng pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay.

‎Sinabi ni Archbishop Inzon na dito nagsisimula ang Semana Santa kung saan ginugunita ang mahahalagang pangyayari sa buhay ni Kristo.

‎Binigyang-diin ng Arsobispo na ang sentro ng pagdiriwang ay ang Paschal Triduum na nagsisimula sa Huwebes Santo.

‎Paliwanag pa nito na sa Paschal Triduum ginugunita ang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus na bumubuo sa pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano.

‎Samantala, isinasagawa tuwing Linggo ng Palaspas ang pagbabasbas at pagwawagayway ng palaspas bilang simbolo ng pagtanggap kay Hesus.

‎Dagdag pa ng Arsobispo na ang mga bendisyong palaspas ay iniingatan at sinusunog upang gawing abo na ginagamit sa Ash Wednesday ng susunod na taon bilang tanda ng pagsisisi.