Hindi makapaniwala ang pamilya ng isang 81-anyos na lola na muli nila itong makakasama matapos itong ituring na patay na sa loob ng halos apat na dekada nang mawala ito 39 na taon na ang nakalilipas.
Noong 1985 pa umalis sa kanilang tahanan ang matanda at hindi na bumalik.
Sa kabila ng pagsisikap ng kanyang pamilya na hanapin siya, wala silang natagpuan na anumang bakas tungkol sa kanyang kalagayan.
Ngunit noong Nobyembre 15, 2024, nasagip ang lola ng City Anti-Mendicancy Task Force ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Barangay Cabug, Bacolod City, Negros Occidental.
Sa tulong ng social media, natunton ng DSWD ang pamilya ng senior citizen na taga-Zamboanga.
Nakipagtulungan ang ahensya sa Zamboanguita Social Welfare and Development upang matagumpay na maibalik ang lola sa kanyang pamilya.
Naging emosyonal ang pagkikita ng pamilya at ng matanda, na lubos ang pasasalamat sa lahat ng tumulong upang muli nilang makapiling ang kanilang mahal sa buhay matapos ang napakahabang panahon.