Isang Low Pressure Area o LPA ang namataan sa layong 1,115 kilometro silangan ng Northern Luzon bandang alas-tres ng madaling araw ngayong araw.

Batay sa pinakahuling datos, tinatayang nasa 19.6 degrees North at 132.1 degrees East ang lokasyon ng LPA.

Samantala, patuloy na nakaaapekto ang Southwest Monsoon o Habagat sa Luzon at Visayas.

Asahan ang monsoon rains sa Benguet, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro, na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa malakas hanggang matinding pag-ulan.

Makakaranas naman ng mga pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos Sur, Abra, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Laguna, Rizal, Oriental Mindoro at Antique, na maaari ring magdulot ng pagbaha at landslide dahil sa katamtaman hanggang malakas na ulan.

Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang mararanasan sa Negros Island Region, nalalabing bahagi ng Luzon at Western Visayas.

Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms ang inaasahan sa nalalabing bahagi ng Visayas.

Sa Mindanao, bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms.

Paalala ng mga awtoridad, mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na makararanas ng malakas na pag-ulan at thunderstorms.