Nagbabanta maging isang ganap na bagyo sa loob ng susunod na 24 oras ang low pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA).
Sa pinakahuling monitoring ng state weather bureau, namataan ang LPA sa layong 390 kilometro silangan ng Guiuan, Eastern Samar. Magdadala ito ng mga pag-ulan sa Bicol Region, Eastern Visayas, Central Visayas, at hilagang bahagi ng Caraga.
Ayon sa weather bureau, dumaan ang LPA sa Visayas at Southern Luzon noong Lunes at inaasahang kikilos ito patungo sa West Philippine Sea ngayong Martes, Hunyo 30.
Habang kumikilos, inaasahan ding palalakasin nito ang southwest monsoon o Habagat.
Dahil dito, makararanas ng maulan hanggang sa paminsan-minsang malalakas na pag-ulan ang Bicol Region, MIMAROPA, Eastern Visayas, bahagi ng Caraga, Central Luzon, CALABARZON, nalalabing bahagi ng Visayas, at kanluran at hilagang bahagi ng Mindanao.
Inaasahan ding magpapatuloy ang mga pag-ulan sa MIMAROPA sa Miyerkules, Hulyo 1, at Huwebes, Hulyo 2, dahil sa patuloy na epekto ng Habagat.
Samantala, inaasahan ding makararanas ng maulang panahon ang Metro Manila mula Martes hanggang Biyernes bunsod ng pinagsamang epekto ng LPA at Habagat.
Kapag tuluyang lumakas at naging tropical depression ang LPA habang nasa loob ng PAR, ito ang bibigyan ng pangalang Henry, ayon sa listahan ng PAGASA.

















