Niyanig ng magnitude 5.4 na lindol ang bahagi ng Occidental Mindoro dakong alas-10:38 ng umaga ngayong Biyernes, Agosto 7.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, natukoy ang epicenter ng lindol may 13 kilometro timog-kanluran ng Mamburao, Occidental Mindoro, at may lalim na 14 na kilometro.
Naitala ang Intensity V sa Mamburao, Occidental Mindoro, gayundin sa Calapan City, Naujan, Puerto Galera, San Teodoro, at Victoria sa Oriental Mindoro.
Naramdaman din ang Intensity IV sa Taal, Batangas, at sa mga bayan ng Abra de Ilog at Sablayan sa Occidental Mindoro, habang Intensity III naman ang naitala sa Quezon City, Batangas City, General Trias sa Cavite, at San Pedro, Laguna.
Sa inisyal na impormasyon ng PHIVOLCS, wala namang inaasahang tsunami at wala ring naitalang malaking pinsala mula sa pagyanig. Gayunman, posible pa ring makaranas ng mga aftershock sa mga susunod na oras.

















