Pinagtibay ng mga lokal na opisyal at iba’t ibang ahensya sa Maguindanao del Sur ang kanilang koordinasyon para sa kapayapaan, seguridad, kalamidad at pangangalaga sa kalikasan.
Ito ay sa isinagawang 3rd Quarter Joint Council Meeting ng lalawigan kahapon ng Huwebes, Setyembre 24, sa Mangrove, Datu Anggal Midtimbang, sa pangunguna ni Governor Ali Midtimbang.
Dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan ng Provincial Peace and Order Council, Provincial Anti-Drug Abuse Council, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, at Provincial Ecological Solid Waste Management Board.
Tinalakay ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kasunod ng Bangsamoro Parliamentary Elections, kampanya laban sa ilegal na droga, paghahanda sa kalamidad at pagbaha, gayundin ang pangangalaga sa kalikasan at maayos na pamamahala ng basura.
Kasama rin sa mga tinalakay ang mga prayoridad na development projects, infrastructure programs at social services na popondohan ng pamahalaang panlalawigan sa ikalawang semestre ng taon.
Binigyang-diin naman ang mas pinaigting na koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan, PNP, AFP at iba pang ahensya upang maagap na matugunan ang mga usapin sa seguridad at kapayapaan sa lalawigan.

















