Mahigit 12,000 law graduates ang sumabak sa unang araw ng 2026 Bar Examinations kahapon, Linggo, Setyembre 6.
Sa kabuuang 13,441 na kwalipikadong examinees, 12,029 ang aktuwal na kumuha ng unang pagsusulit na isinagawa sa 15 local testing centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Mahigpit na ipinatupad ang seguridad sa mga testing center sa pangangasiwa ng Supreme Court, Philippine National Police, at mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Supreme Court Associate Justice Samuel Gaerlan, hindi pa malinaw ang dahilan kung bakit hindi dumalo ang ilang kwalipikadong examinees, bagama’t posibleng hindi pa sila lubos na nakapaghanda para sa pagsusulit.
Karamihan naman sa mga nakibahagi sa unang araw ng Bar Exams ay mga kababaihan, habang kabilang din sa mga examinees ang ilang senior citizens.
Samantala, nagpatupad ang ilang lokal na pamahalaan ng liquor ban at pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada malapit sa mga testing center, kabilang ang University of Santo Tomas at San Beda University, upang mapanatili ang kaayusan at seguridad.
Ipagpapatuloy ang ikalawa at ikatlong araw ng Bar Examinations sa Setyembre 9 at Setyembre 13, na may nakahandang security at traffic management measures.

















