Mahigit 500 pamilya ang lumikas at nananatili sa mga evacuation center sa Kalamansig, Sultan Kudarat dahil sa sunod-sunod na lindol, kung saan umabot ang pinakamalakas na pagyanig sa Magnitude 5.3.
Ayon kay Beverly Anne Santos, Information Officer 2 ng Office of Civil Defense (OCD) Region 12, mula Enero 19 hanggang sa kasalukuyan, nakarekord ang PHIVOLCS ng 400 na aftershocks, dahilan para paalalahanan ang mga residente sa baybayin na manatiling alerto sa posibilidad ng tsunami.
Kabilang sa mga lumikas ang mga residente mula sa mga barangay ng Sta. Clara, Baliwasan, Pag-asa, Sta. Maria, at iba pang apektadong lugar sa Kalamansig. Ramdam din ang lindol sa mga bayan ng Lebak, Palimbang, Esperanza, at sa lungsod ng Tacurong.
Dahil sa sitwasyon, pansamantalang sinuspinde ang klase sa ilang paaralan, kabilang ang Datu Giabar Pilot Elementary School at Sta. Clara National High School, at ipinatupad ang suspensyon ng trabaho sa ilang government offices sa Kalamansig, Lebak, at Palimbang.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), katuwang ang DSWD 12, OCD 12, Provincial Engineering Office, at DPWH Sultan Kudarat District Office, handa ang mga ahensya na magbigay ng pagkain, non-food items, at gumamit ng heavy equipment para sa agarang tugon sa sitwasyon.
Nanawagan ang Provincial Government sa publiko na manatiling kalmado at alerto, at sundin ang mga pabatid ng lokal na awtoridad, lalo na ang mga nakatira malapit sa baybayin.

















