Nagsagawa ng mass oath-taking ceremony ang Bangsamoro Federalist Party o BFP para sa mga bagong kasapi nito ngayong araw, Mayo 25, sa Mango Grove sa bayan ng Talayan, Maguindanao del Sur.

Mahigit 600 bagong miyembro ang nanumpa sa ilalim ng partido kabilang ang ilang lokal na opisyal mula sa iba’t ibang bayan sa 1st District ng lalawigan.

Kabilang sa mga dumalo at nanumpa ay mga barangay captain, kagawad, alkalde, bise alkalde at mga konsehal na nagpahayag ng suporta sa adbokasiya at programa ng BFP para sa pamamahala sa Bangsamoro region.

Ayon sa partido, layunin ng aktibidad na mapalakas ang organisasyon nito hanggang sa antas ng barangay at munisipalidad bilang bahagi ng pagpapalawak ng serbisyo at political engagement sa rehiyon.

Pinangunahan ang seremonya ni BTA Member of Parliament at BFP President Tomanda Antok kasama ang iba pang nominees at opisyal ng partido.

Sinabi ng BFP na ang patuloy na pagdami ng mga umaanib sa kanilang hanay ay indikasyon umano ng lumalawak na suporta at pakikipag-ugnayan ng komunidad at mga lokal na pamahalaan sa kanilang isinusulong na adbokasiya sa BARMM.