Mahigit P105.9 milyong halaga ng pinaniniwalaang smuggled na sigarilyo ang nasamsam ng 53rd Infantry (MATAPAT) Battalion, Philippine Army, sa magkahiwalay na anti-smuggling operations na isinagawa noong Hunyo 29, 2026, sa Pagadian City at bayan ng Pitogo, Zamboanga del Sur.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Pitogo Municipal Police Station, Pagadian City Police Station, PNP Maritime Group, at Bureau of Customs Region IX bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling sa lalawigan.

Sa Barangay White Beach, Pagadian City, nakumpiska ng mga awtoridad ang kabuuang 611 kahon ng iba’t ibang brand ng sigarilyo, kabilang ang 382 kahon ng Berlin at 229 kahon ng Fort. Nasamsam din ang mga sasakyan at kagamitan na hinihinalang ginamit sa iligal na operasyon, kabilang ang isang Forward Wing-Van Truck na may plate number GLV 595, isang motorized pump boat, at limang katutubong bangka o “bote-bote.”

Samantala, sa hiwalay na operasyon sa Barangay Punta Flecha, Pitogo, matagumpay na naharang ng mga tropa ang 60 master cases ng iba’t ibang uri ng sigarilyo na pinaniniwalaang ipinuslit sa bansa.

Agad na isinuko ang lahat ng nakumpiskang sigarilyo at iba pang nakarekober na kagamitan sa Bureau of Customs Region IX sa Pagadian City para sa wastong dokumentasyon, imbentaryo, at pagsasagawa ng kaukulang legal na hakbang alinsunod sa umiiral na batas.

Ayon sa 53rd Infantry Battalion, ang matagumpay na operasyon ay bunga ng matibay na koordinasyon at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa paglaban sa smuggling, isang gawaing nakaaapekto sa ekonomiya at kapakanan ng publiko.

Patuloy namang tiniyak ng batalyon ang kanilang suporta sa mga programa ng pamahalaan laban sa mga ilegal na aktibidad sa mga baybaying komunidad ng Zamboanga del Sur. Sa pamamagitan ng mas pinaigting na pagbabantay, ugnayan ng mga ahensya, at pakikipagtulungan ng komunidad, layunin nitong mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa lalawigan.