Maaaring pag-aralan ng pamahalaan ang panukalang pagbabawal sa Facebook sa Pilipinas, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kasunod ng rekomendasyon ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC.
Sinabi ni Castro na kailangang suriin muna nang mabuti ang posibleng epekto ng naturang hakbang, partikular ang alegasyon na ginagamit ang social media sa pagpapakalat ng maling impormasyon at iba pang content na maaaring makaimpluwensya sa publiko, lalo na sa mga kabataan.
Kasunod ito ng mungkahing ipagbawal ang Facebook matapos ang isang shooting incident sa Ateneo de Zamboanga, na muling nagbukas ng usapin tungkol sa paggamit ng social media at posibleng kaugnayan nito sa karahasan.
Samantala, sinabi rin ni Castro na bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posibilidad na ipagbawal ang mga gaming application o platform na mapatutunayang nakasasama sa kapakanan at pag-unlad ng mga kabataan.
Gayunman, kailangan muna umanong magkaroon ng masusing pagsusuri at sapat na batayan bago magpatupad ng anumang pagbabawal ang pamahalaan.

















