Tiniyak ng Malacañang na mananatiling mapayapa, malaya, patas at kapani-paniwala ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14 sa kabila ng nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa ilang mahahalagang aspeto ng halalan.

Sa pahayag ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr., sinabi nitong tuloy-tuloy ang lahat ng paghahanda ng pamahalaan para sa makasaysayang halalan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking maayos ang pagsasagawa ng botohan.

Ayon kay Lagdameo, mahalagang bahagi ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB ang parliamentary elections dahil ito ang katuparan ng hangarin ng mga Bangsamoro na magkaroon ng sariling halal na pamahalaan.

Aniya, nakapaloob din sa peace agreement na ang huling yugto ng decommissioning ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ay nakaugnay sa pagkakatatag ng isang ganap na nahalal na Bangsamoro Government.

Samantala, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na inatasan na ni Pangulong Marcos ang mga kinauukulang ahensya na tiyakin ang kaayusan ng halalan sa kabila ng mga usapin sa seguridad at ng nakabinbing petisyon sa Supreme Court.

Kasunod ito ng paghahain ng AMANA-BARMM ng urgent motion sa Korte Suprema kaugnay ng mga isyung may kinalaman sa parliamentary elections.

Kaugnay naman ng ulat ng Climate Conflict Action Asia na nagsasabing mahigit 200 katao ang nasawi sa mga insidente ng karahasan ngayong taon, kabilang ang ilang umano’y may kaugnayan sa halalan, sinabi ni Castro na bineberipika pa ito ng Philippine National Police.

Dagdag pa ng opisyal, batay sa impormasyon ng Commission on Elections, marami sa mga naitalang insidente ay nag-ugat umano sa personal na alitan at hindi election-related.

Sa kasalukuyan, nasa mahigit 8,200 PNP personnel na ang ipinakalat sa buong BARMM para sa election security operations, habang nakaantabay rin ang Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard bilang bahagi ng pinaigting na seguridad para sa nalalapit na halalan.