Magkakaroon ng pansamantalang pagkawala ng kuryente sa ilang lugar na sakop ng Cotabato Light franchise area sa darating na Linggo, Mayo 17, 2026, ayon sa abiso ng NGCP.
Isasagawa ang power interruption mula alas-5:45 ng umaga hanggang alas-6:15 ng gabi o humigit-kumulang 12.5 oras upang bigyang-daan ang maintenance at iba pang mahahalagang aktibidad sa Sultan Kudarat–Datu Saudi Ampatuan 69kV transmission line at Kibawe–Sultan Kudarat 138kV line.
Ayon sa NGCP, kabilang sa mga pangunahing gagawin ang pagwawasto ng mga depekto sa Kibawe–Sultan Kudarat 138kV transmission line, preventive maintenance ng 100MVA Power Transformer No. 2, at validation testing ng mga bushings nito.
Mayroon ding mga “ride-on activities” gaya ng pagpapalit ng connectors sa SKU Substation switchyard, load distribution activities, infrared scanning, hotspot correction, at energization ng mga kaugnay na metering facilities.
Sinabi ng NGCP na maaaring magbago ang oras ng isolation at restoration depende sa lagay ng panahon, frequency level, peace and order situation, at kondisyon ng mga kagamitan at linya.
Pinapayuhan ang mga residente at negosyo na maghanda para sa nakatakdang brownout upang maiwasan ang abala at masiguro ang kaligtasan habang isinasagawa ang maintenance activities.

















