Isinusulong sa Bangsamoro Parliament ang isang panukalang batas na naglalayong pag-isahin at higpitan ang regulasyon sa pagmamay-ari at paggamit ng mga baril sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa ilalim ng Parliament Bill No. 455, o ang proposed Bangsamoro Comprehensive Gun Control and Regulation Act, itatatag ang isang sentralisadong sistema para sa pagrerehistro, paglilisensya, at pagsubaybay sa lahat ng baril sa rehiyon.
Inakda ni Member of Parliament Omar Yasser Sema ang panukala, na naglalayong tugunan ang patuloy na suliranin sa mga hindi rehistradong armas na madalas iugnay sa mga insidente ng karahasan sa rehiyon.
Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng panukala ang paglikha ng Firearms Information Management System, isang digital database na magsisilbing opisyal na talaan ng lahat ng rehistradong baril sa BARMM. Layunin nitong mapadali ang monitoring, masiguro ang pagsunod sa batas, at mapalakas ang koordinasyon ng mga law enforcement agencies.
Ipinapanukala rin ang mas mahigpit na requirements sa pagkuha ng lisensya sa baril, kabilang ang background check, mental health evaluation, drug testing, at mandatory gun safety training, na ipatutupad sa koordinasyon sa pambansang pamahalaan.
Bahagi rin ng panukala ang pagtatatag ng isang regional one-stop-shop upang gawing mas mabilis at maayos ang proseso ng licensing at compliance para sa mga aplikante.
Bukod dito, bubuuin ang Bangsamoro Inter-Agency Coordinating and Monitoring Committee, na pamumunuan ng Ministry of Public Order and Safety, upang pangasiwaan ang implementasyon ng batas at palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng mga kaukulang ahensya.
Nakasaad din sa panukala ang pagpapatupad ng Guns-to-Plowshares Program, na magbibigay ng insentibo sa mga boluntaryong magsusuko ng sobrang armas kapalit ng livelihood assistance, agricultural support, scholarship, o iba pang programang pangkabuhayan.
Ayon kay Sema, layunin ng panukala na magtatag ng isang pinag-isang sistema ng gun control sa BARMM upang mapalakas ang accountability, mapabuti ang pagpapatupad ng batas, at mabawasan ang gun-related violence sa rehiyon.

















