“Mas nararamdaman na ngayon ang serbisyo at trabaho ng pamahalaang Bangsamoro.”

Ito ang buong pagmamalaking pahayag ni BARMM Cabinet Secretary at tagapagsalita ng rehiyon na si Mohd Asnin Pendatun, kaugnay sa tanong kung ano na ang estado ng pamahalaang BARMM sa pamumuno ng kasalukuyang Interim Chief Minister Abdulraof Macacua.

Ayon kay Pendatun, malinaw ang naging epekto ng masigasig at walang-humpay na trabaho ni Chief Minister Macacua sa unang limang buwan pa lamang ng kanyang panunungkulan.

“Ang dating nararamdaman, mas nararamdaman na ngayon,” ani Pendatun, tumutukoy sa pagbabago sa takbo ng serbisyo publiko sa rehiyon—partikular na sa mas mabilis na pagbabayad sa mga suppliers at mas aktibong operasyon ng iba’t ibang opisina at ministeryo ng BARMM Government.

Dagdag pa niya, ang bagong pamunuan ay hindi lamang tumutupad sa mga tungkulin kundi mas lalo pang isinusulong ang prinsipyo ng moral governance, na siyang pundasyon ng gobyernong Bangsamoro mula pa noong simula ng transition period noong 2019.