Isang mataas na lider ng New People’s Army (NPA) ang nasawi habang apat na matataas na kalibre ng baril at iba pang kagamitang pandigma ang nasamsam sa magkahiwalay na engkwentro sa bayan ng Pioduran, Albay, ayon sa Philippine Army.
Sa ulat ng 901st Infantry Brigade, naganap ang dalawang magkasunod na sagupaan noong Hulyo 17 sa Barangay Matanglad at Barangay Buyo matapos makatanggap ng impormasyon ang militar mula sa mga residente at lokal na pamahalaan hinggil sa presensya ng mga armadong rebelde sa lugar.
Bilang tugon, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng 49th Infantry Battalion sa ilalim ng operational control ng 901st Infantry Brigade bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa natitirang mga miyembro ng NPA sa lalawigan ng Albay.
Sa clearing operations, narekober ng militar ang apat na matataas na kalibre ng baril at iba pang kagamitang pandigma. Kinumpirma rin ng hukbo na isang mataas na lider ng NPA ang nasawi sa engkwentro, na kinilala ng mga dating rebelde bilang si Nelson Nuyda, alyas Chubby, na umano’y Committee Member ng KLG1, SRC3, BRPC.
Nagpasalamat naman si Brigadier General Emil J. Cruz, Commander ng 901st Infantry Brigade, sa mga lokal na pamahalaan, Philippine National Police, at mga residente ng Albay dahil sa patuloy na pakikipagtulungan sa mga operasyong pangseguridad.
Binigyang-diin din ni Cruz na ipinakikita ng naturang operasyon ang pagpapatuloy ng kampanya ng pamahalaan laban sa armadong rebelyon. Muli rin niyang hinikayat ang mga natitira pang miyembro ng NPA na magbalik-loob sa pamahalaan at samantalahin ang pagkakataong makapamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang mga pamilya.

















