Sa isang post sa kanyang opisyal na Facebook page, ipinahayag ni Cotabato City Mayor Bruce “BM” Matabalao ang kanyang layunin na gawing drug-free workplace ang pamahalaang lungsod, katuwang ang lahat ng barangay.

Ayon sa alkalde, sisimulan niya ang inisyatibang ito sa pamamagitan ng pagsailalim sa random drug testing, at hinamon niya ang 37 barangay chairmen na gawin din ang kaparehong hakbang.

Dagdag pa ni Matabalao, ang nasabing panukala ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa ilegal na droga—upang matiyak na malinis ang hanay ng serbisyo publiko at maging huwaran ang mga opisyal sa kani-kanilang nasasakupan.