Lehitimo at sumunod sa tinatadhana ng batas.
Ito ang itinugon bilang kasagutan ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal matapos ang mga umugong na alegasyon ng kurapsyon ukol sa Local Government Support Fund o LGSF ng ilang mga barangay sa lalawigan ng Lanao del Sur.
Ayon kay Iqbal, ang naturang LGSF ay dumadaan sa mga itinatadhanang hakbang ng Ministry of Finance Budget and Management kasama na ang mga Auditing Rules and Regulations ng National Government.
Ang nasabing pondo ay inihihiling aniya ng mga LGU kung kayat nararapat lamang na sumunod sila sa itinatadhana ng batas at ng gobyerno ukol sa pondo.
Dagdag pa aniya, ang paggamit ng pondo o LGSF ay nakabase sa mga programa o pagawaing inilahad sa proposal at kailangan na maipaliwanag nila ng maayos ang alokasyon nito.
Una nang naghayag ng pagiimbestiga si BARMM Spokesperson and CabSec Mohd Asnin Pendatun hinggil sa nasabing alingasngas na ang itinutukoy ay ang LGSF ng probinsya.