‎Tumanggi si Minister Mohagher Iqbal na magbitiw sa kaniyang puwesto bilang minister ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE kasunod ng liham ni BARMM Chief Minister Abduraof Macacua na siya ay mag-resign kaugnay ng mga audit findings ng Commission on Audit o COA.

‎Sa liham ni Iqbal na may petsang Mayo 16, 2026, sinabi nitong iginalang niya ang seryosong pagtalakay ng Office of the Chief Minister sa usapin ngunit nagpahayag siya ng pagkabahala sa naging proseso ng panawagang pagbibitiw.

‎Ayon kay Iqbal, preliminary findings pa lamang umano ang inilabas ng COA at wala pang pormal na kasong kriminal o administratibo laban sa kanya.

‎Iginiit din nito na nagpapatuloy pa ang palitan ng dokumento, paliwanag, at komento sa pagitan ng MBHTE at COA National Office habang patuloy umano silang nakikipagtulungan sa audit process.

‎Binigyang-diin ng opisyal na mahalagang pairalin ang due process at presumption of innocence habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon.

‎Ayon pa kay Iqbal, ang pagbibitiw niya sa gitna ng audit process ay maaaring bigyang-kahulugan bilang pag-amin ng pagkakasala o pagtalikod sa tungkulin kaya’t mas pinili umano niyang manatili sa puwesto habang nililinis ang kaniyang pangalan.

‎Gayunman, sinabi rin nito na handa siyang respetuhin ang anumang magiging pinal na desisyon ng Chief Minister kung ito ay isasagawa alinsunod sa tamang proseso at umiiral na batas.

‎Matatandaang binigyan ng Office of the Chief Minister si Iqbal hanggang Mayo 18, 2026 upang magbitiw sa puwesto kaugnay ng kontrobersiya sa umano’y kuwestyunableng transaksyon sa MBHTE na umaabot sa bilyong piso.