Nagpahayag ng matinding pagluluksa ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE sa pagpanaw ng isang 11-anyos na student-athlete mula sa Lamitan City habang ginaganap ang BARMMAA Meet 2026 sa Parang, Maguindanao del Norte.

Kinilala ng ahensya ang insidente bilang bahagi ng qadr o banal na kapasyahan ng Allah, habang binibigyang pugay ang nasabing kabataan bilang isang masigasig na mag-aaral at atleta ng Bangsamoro.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang MBHTE sa pamilya, mga kaanak, kaklase, at teammates ng nasawing bata.

Agad namang ipinag-utos ni Minister Mohagher Iqbal ang pagresponde ng mga kinauukulang opisyal, medical team at event coordinators upang tiyakin ang agarang tulong at suporta sa lugar ng insidente.

Batay sa paunang ulat medikal, acute respiratory failure dulot ng aspiration ang tinukoy na sanhi ng pagkamatay ng bata.

Gayunman, tiniyak ng MBHTE na magsasagawa ito ng masusing imbestigasyon katuwang ang mga awtoridad at health professionals upang malinaw na matukoy ang buong pangyayari.

Kasunod nito, pinalakas pa ng ahensya ang medical presence, emergency response systems at safety protocols sa lahat ng venues ng BARMMAA.

Nanawagan naman ang MBHTE sa publiko ng panalangin, pag-unawa at pag-iwas sa espekulasyon habang hinahayaan ang pamilya na magluksa nang may dignidad.

Sa ngayon, hindi muna isinapubliko ang pagkakakilanlan ng nasawing student-athlete bilang paggalang sa kanyang pamilya.