Mas pinaigting pa ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office o MDN PPO ang pakikipagtulungan nito sa mga ahensiya ng United Nations matapos magsagawa ng courtesy visit ang mga kinatawan ng UNICEF, United Nations Department of Safety and Security o UNDSS, at World Food Programme o WFP sa provincial headquarters ng pulisya sa Brgy. Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong Hulyo 1.
Pinangunahan ni Provincial Director PCOL George D. Bagundol Jr. ang pagtanggap sa delegasyon, kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng koordinasyon sa usapin ng seguridad at ang pagpapatuloy ng mga magkasanib na programa para sa humanitarian assistance at pagpapaunlad ng mga komunidad sa lalawigan.
Ayon sa MDN PPO, layunin ng pagpupulong na higit pang mapatatag ang ugnayan ng pulisya at mga international partner upang matiyak ang ligtas na pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa kapayapaan, kaayusan, at serbisyong makatao.
Nagtapos ang pagpupulong sa panibagong pangako ng magkabilang panig na ipagpatuloy ang malapit na koordinasyon at sama-samang pagkilos para sa pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa buong Maguindanao del Norte.

















